Tuesday, June 29, 2021

BSL - KABANATA 33

 


KABANATA 33 Ang Alaala ng Kahapon


Walang lakas at pagod na pagod na, magang-maga na ang aking mga mata sa kakaiyak gab-gabi bago matulog. Ang dating init sa magdamag ay naging malamig simula ng mawala siya.

Simula ng mawala ang lalaking pinakamamahal ko. Ang lalaking nagpatibok sa aking puso at tinuruan akong magmahal ng walang halong hinihinging kapalit. Tinanggap ako at minahal ako nang buong-buo.

Isang linggo na ang lumipas at bawat mga araw na nagdaan ay sobrang napakahirap para sa akin. Hindi ako makakain at hindi na rin ako makatulog dahil sa sobrang pag-aalala.

Hindi ko alam at wala akong ideya kung nasaan siya. Kung nasa mabuti ba siyang kalagayan at kung ano na ang nangyari sa kanya. Kahit si papa ay napansin na rin ang pagbagsak ng aking pangangatawan kahit sa kokonting panahon pa lamang dahil halos hindi na ako kumakain ng maayos. 

Pero ganun pa rin, wala pa rin siyang pakialam sa akin at palagi pa rin siyang wala sa bahay. Ni hindi man lang ako tinanong kung may dinadamdam man ako o kung may sakit ba ako. Talagang wala siyang pakialam sa akin.

Parati akong walang lakas at parang hinang-hina palagi. Nangangayayat at malalim na ang mga mata dahil sa walang masyadong tulog dahil sa pag-aalala. Gabi-gabi ay umiiyak na lamang ako habang niyayakap ang damit ni Kuya Bernard. Hanggang sa mapagod ako sa kakaiyak at lamunin na ng antok.

Sa umaga ay palagi akong tulala at palaging malalim ang iniisip at bigla na lamang iiyak lalo na sa takot ko, kapag sumasagi sa aking isipan na may nangyaring masama sa kanya at hindi ko na siya makakasama. Mas lalong nagpatindi ang takot sa aking puso dahil paulit-ulit na bumabalik sa aking isipan ang aking nakitang mga dugo na nagkalat sa sahig ng kanyang silid.

Paano kung may nangyaring masama na sa kanya? Paano kung pinatay na siya ng mga taong dumukot sa kanya? Huwag naman sana... huwag naman sana dahil hindi ko makakaya.

Wala akong malalapitan... wala akong matatakbuhan. Hindi ko alam kung saan ako huhugot ng lakas dahil ang siya mismong lakas at inspirasyon ko ay ang nawala. Wala siya ngayon sa aking tabi kaya hindi ko alam kung paano ko lalampasan ang pagsubok na ito na parang ako ay tinutupok sa pighati at sakit sa araw-araw na wala siya.

Walang may pakialam ngayon sa kanya kundi ako lang. Parang ako lang mag-isa ang may dinadalang sakit sa dibdib simula ng mawalay siya sa akin. Kahit na pamilya niya ay itinakwil na siya.

Ang tanging makakatulong naman ngayon sa kanya na kanyang pinsan ay nasa ospital at walang maalala. Nang gumaling ang mga sugat ni Kurt ay nagbakasyon muna siya kasama ang magiging asawa at kanyang ina. Ganun pa rin, wala siyang alaala kaya hindi niya ako matutulungan dahil hindi na rin niya maalala ang pinsan niya.

Hindi ko na alam kung ano ang aking gagawin. Halos masiraan at pumutok na ang ulo ko sa kakaisip kung ano ang dapat kung gawin.

Hanggang sa magpasukan na naman.

Nagsimula na ang panibagong semestre. Subalit wala akong ganang pumasok. Imbes na pumasok ako sa eskwelahan ay nasa iba't ibang police station ako upang magtanong-tanong at maghanap ng kasagutan at para na rin humingi ng tulong.

Nag-file na rin ako ng report. Wala akong ibang pagpipilian kundi ang humingi ng tulong sa mga pulis upang mahanap siya. Lalo pa at ng makumpirma ko na walang misyon o raid pala ang mga pulis sa araw na yun. Wala silang kinalaman sa shoot out na nangyari sa aming lugar.

Pawang mga armado daw at mga bandido ang may kagagawan dahilan kung bakit nawawala ngayon ang lalaking pinakatangi-tangi sa akin.

Noong araw na may naganap na barilan at pagkatapos na ikinawala ni Kuya Bernard ay ilang minuto lamang ay dumating na ang mga pulis sa pinangyarihan ng barilan. Dahil na rin tumawag ng tulong ang aming mga kapitbahay. Subalit wala naman silang nadatnan.

Sandali lang nilang hinalughog ang apartment ni Kuya Bernard at nag-imbestiga saka ay umalis na. Kahit sila ay walang alam kung saan magsisimulang hanapin ang taong kasalukuyang nagtatago na nawala na parang bula.

Ang masakit pa para sa akin ay hindi gumagalaw ang mga pulis dito sa amin kung walang perang ibibigay sa kanila. Talagang napakabatugan at walang kwenta. Puro palaki lang ng tiyan at kain-tulog lamang. Kaya minabuti ko na humingi ng tulong sa ibang istasyon.

Hanggang mas tumagal pa ang mga araw ay ito ay paunti-unting lumipas.

Ilang buwan na ang nagdaan. Hindi ko man lang napansin na magtatapos na ang semester dahil isang linggo na lang tapos na naman ang pasukan. Subalit wala pa ring lead ang mga pulis kung nasaan ang aking kasintahan.

Kahit kakarampot na impormasyon ay wala silang nakuha sa kanilang pag-iimbestiga. Masyado na talaga akong frustrated at dismayado dahil kahit mga clues man lang ay wala silang nahagilap. Puro na lang sila hinala na baka organisasyon ng mga kidnappers daw ang nasa likod nito.

Mga kidnappers daw ang dumukot sa kanya lalo pa at uso ngayon ang kidnapan. Dahil parati itong balita sa mga telebisyon kaya ito ang hinala nila.

Pero aanhin ko ang hinala? Wala naman akong natanggap na kongkretong impormasyon na magtuturo kung nasaan siya kaya minabuti ko na magsaliksik din para makatulong ako sa paghahanap sa kanya.

Bawat anggulo ng imbestigasyon ay naroon ako dahil hindi na rin ako masyadong pumapasok sa unibersidad. Parati akong lumiliban sa klase para makibalita kung may mga bagong lead sila sa kasong sinangguni ko sa kanila.

Hindi ako mapapagod na maghanap. Hahanapin ko ang lalaking mahal ko dahil hindi ako mabubuhay kung wala siya.



NAGLALAKAD AKO ngayon sa lobby ng eskwelahan at aalis na naman sana upang makibalita kung mayroon ng progreso tungkol kay Kuya Bernard. Liliban na naman ako sa klase at hindi na naman papasok. Ewan ko ba, parang wala na akong pakialam na mag-aral pa. Ang gusto ko lang ay makita na ang lalaking mahal ko.

"Tol! Hoy!" sigaw ng lalaki sa aking likod.

Nilingon ko ito.

"Hoy! Asan ka ba galing!? Ilang araw ka ng absent ah?" si Nathan.

Hindi ko na siya pinansin pa dahil alam kong papagalitan niya lang ako.

"Tol ano ba?! Bakit hindi ka na pumapasok? Parang ilang beses ka lang pumasok ah... ano bang nanngayari sa'yo tol? May problema ka ba kaya ka palagi kang uma-absent? Mas lalo ka pang pumayat at parang liliparin ka na ng hangin sa kapayatan mo. Ano bang nangyayari sa'yo tol?" sunod-sunod na tanong ni Nathan habang nakasunod sa akin.

Lumingon ako sa kanya saka ngumiti lang, saka tumalikod na at nagpatuloy na naglakad.

"Tol naman... hoy saan ka ba pupunta?"

Hindi ko na nilingon pa si Nathan at nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Hangang makalabas na ako sa unibersidad. Mabilis akong naghanap ng traysikel at sumakay dito. Sa harapan ako pumwesto at ako lang mag-isa ang pasahero. Nagulat na lang ako ng biglang sumakay din si Nathan at tumabi sa akin.

"Usog ka nga dun... baka mahulog ako." ani niya.

"A-anong ginagawa mo rito? Bumalik ka na nga... may pasok ka pa."

"Manong kung saan siya baba doon din po ako." sabi niya sa mama at hindi na ako pinansin.

"Hoy, bumaba ka nga! Bumalik ka na sa loob!" sigaw ko na.

"Bahala ka d'yan." sabay snob nito.

"Nathan bumaba ka na nga! Baba na!!!" subalit nagbingi-bingihan lamang ito.

"Ano... aalis ba tayo o hindi? Naghahanap buhay ako rito. 'Wag niyo akong idamay sa away niyo. Ano ba kayo magsyota?!" naiinis na sabi ng driver.

"Opo manong... jowa ko 'to... nagtampo yata dahil hindi ko sinipot sa date namin." mabilis na sabat at malokong sabi ni Nathan na natatawa sabay akbay sa akin.

"Bweset ka talagang unggoy ka!" sigaw ko at itinulak siya sa labas.

Bigla siyang nahulog sa traysikel at napaupo sa sementong kalsada. Diretsong nauna ang pang-upo niya dahil hindi niya inaakalang gagawin ko ito sa kanya.

"Aray! Puta naman oh!" sabi niyang nasaktan at napahawak sa kanyang pwetan.

Nagulat ako sa nagawa kaya mabilis akong bumaba upang tulungan siyang tumayo.

"Ikaw naman kasi eh... anong kalokohan ang pinagsasabi mong unggoy ka? Ayan tuloy." paninisi ko.

"Tang ina ka... biro nga lang nanunulak ka na agad? Ang sakit ng pwet ko ah!" naiinis nitong sabi.

Tinulungan ko siyang tumayo at patuloy niyang hinihiimas ang pwetan na masakit.

Wala na akong nagawa kaya hinayaan ko na lang siyang sumakay. Pasipol-sipol pa ang mokong habang umaandar na ang traysikel.

"Magjowa ba kayong dalawa?" tanong na naman ng driver.

"H-hindi po! Pinagkamalan mo pa kaming bakla manong. Best friend ko po siya." sagot ko na lang sa driver.

Nang bigla na namang sumabat si Nathan.

"'Wag kang maniwala d'yan manong. Magjowa talaga kaming dalawa nito eh. Ikaw babe huh? nakakatampo ka." sabay pisil niya sa aking pisngi.

"Pisti ka talaga!" at siya ay aking binatukan.

"Aray! Loko to ah." sabay himas sa ulo niyang sinuntok ko.

Babatukan ko pa sana siya nang paulit-ulit subalit nahawakan na niya ang aking mga kamay. Malakas si Nathan kaya hindi ko mabawi ang aking mga kamay sa sobrang higpit ng hawak niya rito, hindi ako makapanlaban. Hindi niya ako binitawan para hindi ko siya makutosan.

"Hay naku... mga kabataan nga naman ngayon. Masyadong mapupusok!" sabi ni manong na umiling-iling pa.

"Manong 'wag kayong maniwala d'yan! Gago lang talaga yan... pinagtritripan lang po ako nitong barkada ko."

"Aminin niyo na... hindi naman ako manghuhusga. Sana all!" biro pa ni manong.

"Oo nga babe... mamayang gabi babawi ako. Gagalingan ko." sabay kindat pa ni Nathan na halos ikapula ng buo kong mukha.

"Bweset ka talagang lalaki ka!" sigaw ko na lang dahil wala naman akong magawa.

Halos umusok na ang ilong ko sa galit. Habang tuwang-tuwa naman si Nathan. Nagpipigil pa itong matawa.

"Para!" ani ko at bababa na.

Naunang bumaba si Nathan at pagkatapos ako. Nang makababa na kami at tapos ng magbayad ay nagsalita ang driver.

"Tumagal sana kayong dalawa!" at umalis na.

Napanganga na lang ako at natigilan. Habang tumatawa naman si Nathan dahil sa sinabi ng driver.

"Gago ka talaga Nathan! Pinagtritripan mo na naman ako! Napagkamalan pa tayong magsyota dahil sa kagaguhan mong unggoy ka!"

"Ikaw hindi ka na mabiro. Halata naman na nakikisakay lang yung driver sa'kin. Masyado kang seryoso."

"Heh!"

"Saan ba tayo pupunta?"

"D'yan." sabay turo ko sa istasyon ng pulis.

Nang makapasok na kami sa loob ay mabilis akong lumapit sa front desk. Kilala na ako ng mga pulis dahil paulit-ulit na akong bumabalik dito. Kahit sa ibang istasyon ay namumukhaan na rin ako dahil pabalik-balik talaga ako.

Subalit ganoon pa rin. Wala pa rin silang ideya kung nasaan si Kuya Bernard. Lumabas akong dismayado at bagsak ang mga balikat. Parang nawawalan na ako ng pag-asa na mahanap pa siya. Hindi ko napansin na napaluha na lang ako sa sobrang lalim ng iniisip.

"Tol, okay ka lang?" nagising ako sa aking ulirat.

"O-oo... okay lang ako."

"Okay daw... pero bakit umiiyak ka d'yan? Sino ba kasi yung nawawalang hinahanap mo?"

"Wala, 'wag mo na lang pansinin."

"Anong 'wag pansinin ka d'yan? Tol, ano ba talagang nangyayari sa'yo? Narinig ko na hindi ka na masyadong pumapasok sa school. Ilang beses lang din kita nakitang pumasok sa subject nating humanities. Tapos sa ibang subject hindi ka na raw pumapasok. Ano bang nangyayari sa'yo tol? Dati pa nga kahit P.E lang wala ka namang absent eh. Kahit nga inaapoy ka ng lagnat ay pumapasok ka pa rin... kahit bagyo always present ka pa rin. Tol, kung may problema ka. Sabihin mo sa'kin. Alam mo namang hindi ka na iba sa akin. Baka makatulong ako."

Napabuntong-hininga na lang ako sabay pahid sa aking luha.

"Bumalik ka na ng school... uuwi na lang ako." sabay talikod ko.

Subalit bigla na lang akong inakbayan ni Nathan at nagsalita.

"Tutal absent na tayo... walang uuwi! Gagala na lang tayo!"



HINAYAAN ko na lang si Nathan sa kanyang gusto. Nagpagala-gala kami sa mall at naglaro ng computer games sa arcade. Kahit anu-ano ang nilaro namin kaya sobrang natutuwa si Nathan. Samantalang ako ay pawang kabaliktaran sa kanya. Ni hindi nga ako makangiti at parang zombie na lang na naglalaro. Parang nilubayan ng sariling kaluluwa.

Pagkatapos maglaro ay nagpagala-gala pa kami. Hanggang sa mapadpad kami sa isang raffle ticket booth. Maraming premyo rito. May house and lot, may sasakyan, may cash at kahit anu-ano pa. Mapilit kasi ang sales agent sa aming dalawa na makisali.

Pati rin si Nathan ay gustong sumali kami. Kaya sa huli, sinulat na lang din namin ang aming mga pangalan, address, edad, kasarian at mga impormasyon na dapat naming i-fill up sa maliit na papel na ira-raffle pagdating ng itinakda nitong araw. Tutal libre naman at walang kahit anong babayaran. Pumayag na lang din ako.

"Tol, baka sakaling manalo ka. 'Wag mo akong kalimutan huh?" si Nathan.

"Tumahimik ka nga... malas ako, Hindi ako mananalo. Baka ikaw ang manalo at hindi ako."

"Napaka-nega mo talaga."

Nanahimik na lang ako at hindi na siya pinansin pa dahil wala akong gana. Marami akong iniisip.

Matapos ng ilang oras na pamamasyal ay kumain kami sa isang restaurant. Subalit wala akong ganang kumain kaya naupo na lang ako sa lamesa. Tinitingnan ang mga taong naglalakad sa transparent na salamin sa labas. Naiinggit sa mga taong naglalakad na may mga ngiti sa labi. Masaya at parang walang problema.

"Hoy! Nasa harap tayo ng pagkain oh... bawal magmukmok!" si Nathan.

"Ay sorry, sige kain ka lang d'yan. Ikaw naman nagbayad ng lahat ng yan."

"Alam mo para kang tanga. Kumain ka na nga d'yan tol. Dami mong drama eh."

"Kung gutom ka kumain ka... 'di ako gutom." sagot ko na mahinahon.

"Hoy!!! Ang payat-payat mo na! Kumain ka nga. Gusto mo pagtripan kita?"

"Bahala ka nga d'yan." at hindi ko na siya pinansin pa.

"Ah... parang gusto yatang pagtripan eh... mapagtripan nga." sabi niyang mahina.

Pinagkibit-balikat ko na lamang ang kanyang sinabi. Hindi ko aasahan ang susunod niyang gagawin.

"Babe, kain ka na oh... dapat busog ka dahil mamaya papagurin kita. Alam mo namang tigang na tigang ako babe eh." sabay kuha niya sa kanyang kutsara at aakmang isusubo sa akin ang pagkain.

Halos mamula ako dahil sa kanyang sinabi, lalo pa at sobrang lakas nito. Narinig ito ng ibang kumakain at ang iba pa nga ay nakatingin na sa amin. Halata ang gulat sa kanilang mukha lalo na ang matandang mag-asawa na malapit lang sa amin ang table.

"Ay, sayang... mga pogi pa naman sana." sabi naman ng isang babae na nasa kabilang table na kumakain kasama ang mga kaibigan nitong babae.

Halata ang pagkadismaya sa kanilang mukha. Akala kasi nila na magsyota kami ni Nathan. Siguro nasasayangan sila kay Nathan dahil pogi ito at akala nila na hindi ito straight.

"H-hoy gago ka! Pinagtitinginan na tayo dito! Ang gago mo talaga Nathan! Baka ano na ang nasa isip nila! Aalis na nga lang ako!" bulong kong sabi sa kanya na nanggigigil sa inis.

"Sige, subukan mong umalis at mas malala pa ang gagawing pangtri-trip ko sa'yo. Upo! Kakain ka... upo." utos nito.

Nagdadalawang-isip man ako ay napaupo pa rin ako. Alam kong seryoso siya. Siguradong mas nakakahiya ang gagawin niya kapag umalis ako. Naiisip ko pa lang ang gagawin niya ay kinikilabutan na kaagad ako. Kaya minabuti kong maupo na lang.

"Kain, baka gusto mo na subuan pa kita... huh, babe?" bulong nitong sabi na niloloko ako.

"Oo na! Kakain na unggoy ka! Pinagtitinginan na tayo ng tao... hayop ka talaga. Humanda ka sa'kin mamaya." pabulong ko ring sabi na tiim-bagang sa inis.

Natawa na lang si Nathan sa aking sinabi.

Tahimik akong kumakain ng bigla na lamang may babaeng tumigil sa gilid namin.

"Hi, can I sit with you?" sabi nito kay Nathan na napakaarte at napakalandi.

Ito yung babaeng nagsabing nasasayangan siya sa amin. Pero tingin ko ay si Nathan lang ang tinutukoy niya.

"Huh? Eh... 'di ba, dun ka nakaupo?" sabay turo ni Nathan sa kanilang lamesa.

"Wala lang... gusto ko lang umupo kasama niyo. Hindi ba magagalit itong boyfriend mo?" sabay tingin niya sa'kin.

"Ay, nagkakamali ka miss... hindi kami m-mag... magsyota! Niloloko lang kayo ng best friend ko. Nagbibiro lang siya dahil hindi kasi ako kumakain kaya pinagtripan niya ako." pagdi-deny ko pa.

Sinadya kong lakasan ang aking boses para marinig ito lahat ng kumakain. Narinig ko pang nagtilian ang mga babaeng kasama niya. Para silang natuwa sa narinig.

"Really?! Mabuti naman. Akala ko kasi totoo. Nakakatuwa pala itong friend mo." sabay upo niya sa tabi ni Nathan na siya nitong ikinagulat.

"Hi, my name is Amber. Nice to meet you!" sabay abot niya ng kamay kay Nathan. Kaya nakipag-shake hands na lamang din siya.

"Nathan, and this is Jessie... tropa ko." sagot na lang niya sabay pakilala sa akin. Tumango na lang ako.

"Can my friends tag along?"

Hindi pa nakakasagot si Nathan ay tumabi na kaagad ang dalawa niyang kasama at umupo na rin. Ang isa ay katabi ko at ang isa ay tumabi naman kay Nathan. Pinagitnaan siya. Medyo hindi ako makagalaw ng maayos at tumigil ako sa pagkain dahil nahihiya ako sa kanila. Mas natigilan pa ako ng tanungin ako ng babaeng katabi ko ng biglaan.

"Hi, you know what pogi ka... may girlfriend ka na ba?" tanong nito na walang preno.

"A-ako?! Uhmm... a-ako ba ang t-tinatanong mo?" nauutal kong sabi.

"Ay ang cute... shy ka pala?" sagot naman nitong natatawa.

Yumuko na lang ako at tumango-tango.

Pansin kong nabwebwesit na si Nathan habang nakikipag-usap sa dalawa. Alam kong naiinis siya dahil walang modo ang mga babae. Dahil bigla-bigla na lamang itong naupo kasaman namin.

"So my Gf ka na ba?" tanong na naman nito sa akin.

Nahihiya akong sumagot at nanginginig ang labi ko. First time ko kasing makasalumuha ng ganitong klaseng tao. Masyadong liberated.

"Your so shy... I like it!" sabay patong ng kamay nito sa dibdib ko na aking ikinagulat. Lalo pa nang hinimas-himas niya ang aking balikat at malanding tumawa sa aking tenga.

Oh my... ghorl talaga ba? Hindi ako tomboy. Tigilan mo ako. Kilabutan ka nga!

"Do you have a girlfriend?" ulit nitong tanong.

Magsasalita na sana ako ng biglang sumabat si Nathan.

"May girlfriend na yan... kaya 'wag mo ng istorbohin yan. Mabait at loyal yan sa syota niya... isa pa, masyadong gwapo yang tropa ko. Hindi yan nababagay sa'yo!" diretsahan nitong sagot na ikinagulat ng mga babae.

"'Tsaka 'wag mo ngang istorbohin yan... kita mo na kumakain yan." pagpapatuloy nito.

"Ay, napakasuplado naman nito." sabi ng isang babaeng katabi niya.

"Ano bang gusto niyo huh?!" naiinis na sabi ni Nathan.

"Ikaw... ikaw ang gusto ko." sagot naman ng babaeng unang lumapit sa akin na nagngangalang Amber.

"Diretso na tayo... 'wag na tayong magpaligoy-ligoy pa. Ano, gusto niyo lang bang makipag-sex huh?!" sabi ni Nathan na umaaapaw ang kompyansa sa sarili.

"Yes! sabay sagot naman ng mga babaeng katabi niya.

Halos maglaway sila ng marinig ang sinabi ni Nathan.

"Sige, sa susunod na lang kapag hindi na ako busy. Text ko na lang kayong dalawa."

Kaagad namang ibinigay ng mga babae ang kanilang cell phone number at talagang abot tenga ang mga ngisi. Gusto rin sana nilang kunin ang numero ni Nathan pero tumanggi ito. Siya na lang daw ang magti-text.

"Tol, tapos ka ng kumain?" tanong niya sa'kin.

"O-oo... t-tapos na tol." pautal-utal kong sagot.

"'Ge, tayo na." at mabilis siyang tumayo kaya tumayo na rin ako.

"Wait paano naman ako!? I'll give my number too." sabi naman ng babaeng katabi ko sa upuan.

"'Wag na... ang pangit mo kaya! Mukha kang kambing. Tara na tol." at mabilis kaming umalis.

Halos malaglag pa ang panga ng babae ng lingunin ko ito at pinagtatawanan pa siya ng mga kasama niya. Nang makalayo na kami ay saka pa ako nagsalita.

"Hoy tol! Grabe ka... ganun ka ba makipag-usap basta may nagfli-flirt sa'yo? Paano pa kaya kapag nasa bar ka na... kahit ako naasiwa ako kanina. Parang ang liberated mo naman masyado."

"Ano ka ba, niloloko ko lang yung mga yun. Mas maganda pa nga ang ex ko dun dati eh. Sinabi ko lang yun para paasahin yung mga pangit na yun. Kating-kati ang mga puta. Lalo na at binabastos ka na nung isa. Alam mo ba, para kang tuta kanina na parang lalapain ng leon. Takot na takot ka... kaya ang tagal mong nagkasyota eh. Napakamahiyain mo."

Medyo natigilan ako.

"Oh asan na ba yung girlfriend mo? Kahit kailan hindi mo pa pinakilala yun sa'kin... takot ka siguro baka kung makita ako ma-in love yun sa akin. Hahaha..."

Napayuko na lang ako. Naalala ko na naman si Kuya Bernard.

"Ba't natahimik ka dyan?"

"W-wala... wala." iwas ko.

"Samahan mo na nga lang akong bumili sa grocery... gusto kong bumili ng kahit anu-ano."

"Sige." tipid kong sagot.

Nang makababa kami sa grocery sa mall ay sunod lang ako nang sunod kay Nathan. Kahit anu-ano ang pinangunguha nitong pagkain at inilalagay sa cart na itinutulak nito. Sunod lang ako nang sunod at tango nang tango habang nagsasalita siya.

"Tol, kumuha ka nga ng mga kahit anu-anong prutas dun sa may fruit section. Tsaka lagay mo rito sa cart."

"Okay." at pumunta na kaagad ako sa may prutasan.

Pero ng makarating ako rito ay nakalimutan ko na tanungin kung ano ang mga prutas na gusto niya kaya bumalik ako. Pero ng makabalik ako ay wala na si Nathan sa kanyang pwesto kani-kanina lang kaya hinanap ko siya. Nagpalibot-libot ako subalit hindi ko na makita ang mokong.

Hanggang sa aking paghahanap ay hindi ko aakalaing may makikita akong lalaki na matagal ko ng hinahanap. Nakatayo siya sa kabilang row at parang namimili kung ano ang kukunin niyang gatas.

Mabilis na bumagsak ang aking mga luha ng makita ko na ang lalaking nawawala at ilang buwan ko ng hinahanap.

"K-kuya B-Bernard! Love?!" naibulalas ko na lang.

Naglakad ako papalapit sa kanya... sobrang bigat ng aking mga paa at parang hindi ako makahinga dahil sa sobrang sikip ng dibdib ko. Hindi ko maipaliwanag ang ibayong tuwa at halos walang mapagsidlan ang aking kaligayahan.

Nanginginig akong papalapit sa kanya. Sa wakas nahanap ko na rin siya... sa wakas nahanap ko na si Kuya Bernard. Ang lalaking pinakamamahal ko. Pansin ko na parang pumayat siya, pero hindi ito nakabawas sa kanyang kakisigan. Tapos mas lumago ang kanyang mga bigote. Pumuti rin siya at parang mas maaliwalas ang kanyang mukha na hindi ko mapaliwanag. Parang nag-iba siya sa aking paningin. Parang ibang Kuya Bernard ang nakikita ko ngayon.

Napatakip ako sa aking bibig at nanginginig ang aking mga kamay habang papalapit ako sa kanya. Papalapit nang papalapit.

Parang sinasadya ang lahat. Napakamadamdamin para sa akin ang tagpong ito. Kami lamang dalawa ngayon dito at walang ibang tao. Parang sinasadya ang lahat na magkita kami.

Hanggang sa matigilan akong bigla ng hindi ko inaasahan ang aking masasaksihan.

May isang babae ang lumapit sa kanyang tabi at kanya itong kinausap. Sobrang ganda ng babae. Halatang mestiza at halatang mayaman.

"Sweety... ano bang mas gusto mo para sa baby natin. Ito o ito? Which is better?" tanong niya sa babae.

"I think this one!" sabay turo nito sa bote ng gatas na hawak-hawak niya.

"Okay, ito na lang."

Yumuko pa siya at hinalikan ang tiyan ng babae na halatang malaki na. Buntis ito. Nagulantang ako sa aking nakita.

Tumayo siya uli...

At bigla na lamang silang naghalikan.

Nadurog ang puso ko. Para akong hinampas ng kahoy sa likod sa sakit. Nawalan ako ng lakas at parang nanlambot ang aking mga tuhod. Ang pusong kani-kani lamang na sobrang saya ay mabilis na napalitan ng pighati at sakit. Ang sakit-sakit, para akong tinusok-tusok ng ilang patalim sa aking likod at dibdib.

Mas sumakit pa ang aking dibdib at para na itong sasabog ng mapansin ko na hindi na niya suot ang bracelet na ibinigay ko sa kanya. Noong unang anibersaryo naming magkasintahan.

Dati-rati ay suot-suot niya ito palagi. Hindi nga niya ito hinuhubad dahil ayaw niya itong malayo sa kanya. Sabi pa niya sa akin na palagi niya itong susuotin at papahalagahan dahil ito ang kauna-unahang regalo na ibinigay ko sa kanya.

Pero ngayon, hindi na niya suot ito.

Umalis ang babae matapos nilang maghalikan at hindi ko na namalayang nagpatuloy pala ako sa paglalakad hanggang sa mismo na niya akong tapat huminto. Namimili pa siya ng iba pang bibilhin kaya nakatutok siya sa paghahanap. Nang mapansin na niya ako na nasa gilid lang niya ay nagulat siya. Nakita niya ang aking mukhang lumuluha at hinang-hinang nakatingin sa kanya. Natigilan siya.

Magsasalita na sana siya ng hindi na siya nakapagpatuloy pa ng mabilis na dumapo ang aking palad sa kanyang pisngi. Gulat na gulat siya at natigilan. Napahawak pa siya sa kanyang pisngi at tumingin sa akin nang galit na galit. Wala akong nakikitang pagsisisi at panghihinayang sa kanyang mukha na para sa akin. Kundi galit! Galit lamang!

"Hayop ka! Magsama kayo ng babae mo! Manloloko!!!" sigaw ko.

"Ano bang problema mo?!" saglit siyang tumigil.

"Huh?! Ano bang problema mo... Jessie?! Bakit mo ba—"

Hindi na niya naituloy pa ang sasabihin ng tuhurin ko ang kanyang harapan at napaluhod na lamang siya habang namimilipit sa sakit.

"Shiiitt! Shiitt!!!" napahawak na siya sa kanyang ari dahil sa aking ginawa.

Mabilis na akong nagtatatakbo habang lumalagaslas ang mga luha ng pait sa aking mga mata.

"Tol, saan ka pupunta!?" sigaw ni Nathan ng makita niya ako.

Subalit hindi ko na siya nilingon pa at nagpatuloy lang sa pagtakbo habang humahagulgol. Pinagtitinginan pa ako ng mga tao habang tumatakbo. Hanggang sa makalabas na ako ng mall at nagpatuloy sa pagtakbong umiiyak.

Napahawak na lamang ako sa kahoy sa parking lot at napaluhod na umiiyak. Sa tinagal-tagal ko na paghahanap sa kanya ay ito pa ang aking madadatnan. Ang aking masasaksihan.

Halos malustay ko na lahat ang pera ko at ipon upang mahanap lamang siya pero ito pa ang gagawin niya? Ang sama niya! Ang sama-sama niya! Sabi pa niya na hindi niya ako ipagpapalit sa babae. Sabi pa niya na ipaglalaban niya ako basta ipaglalaban ko rin siya. Pinanghahawakan ko ang lahat ng yun eh. Pero niloko niya lamang ako. Sinaktan at ginago niya lamang ako!

Tama si Oliver... sa huli ang lalaki ay maghahanap pa rin ng babae. Ito ang katotohan at reyalidad na hindi ko tinanggap. Masyado akong nabulag sa pagmamahal sa kanya.

Para akong baliw na nagsisisigaw. Halos lupaypay ako ng maupo sa semento. Wala akong lakas.

Ang tanga ko para isipin na mahal niya talaga ako. Minahal niya lang ako dahil kailangan niya ako.

O minahal nga ba niya ako?

Nagsimula sa kalibugan ang aming relasyong dalawa. Siguro libog lang din ang kailangan niya sa akin kaya nagawa niyang ipangako ang mga bagay na inasahan ko sa kanya. Pawang kasinungalingan ang lahat! Pinagsamantalahan niya lamang ang aking kahinaan. Ginamit niya lamang ako para makaraos sa libog at pangangailangan.

Nagpatuloy ako sa pagluha hanggang sa maramdaman ko na lang na may humagod sa aking likod.

"Tol... magiging okay din ang lahat..." si Nathan.

"Tol... tol... ang sakit! Ang sakit ng ginawa niya sa'kin tol! Niloko niya lang pala ko! Niloko niya lang ako tol. Nahuli ko siya! May iba na! May iba na siya!"

Hindi ko na napigilan at humagulgol na lamang ako sa dibdib ni Nathan. Ang sakit-sakit kasi ng nararamdaman ko. Mas masakit pa ito sa mga bugbog ng aking ama. Iba ang dulot ng sakit ng unang pag-ibig. Iba ang sakit ng pusong winasak at pinaglaruan.

"Shhh... tama na tol. Tahan na... tahan na." at hinayaan na lamang akong umiyak ni Nathan sa kanya.

Nang kumalma na ako ay saglit na bumalik si Nathan sa loob para bayaran ang mga groceries na pinamili at pagkatapos ay bumalik siya kaagad. Nag-usap kami at sinabi ko sa kanya na niloko lang ako ng aking kasintahan. Na ginamit lamang ako. Ang hindi ko lang sinabi na lalaki siya.

Naiintindihan naman ako ni Nathan kaya sinamahan niya ako at pinagaan ang aking loob. Nagbigay din siya ng mga advice sa akin. Pero pasok-labas lamang ito sa aking mga tenga.

"Tol, hindi ka naman nakikinig eh."

"Huh, ano?" tanong ko ng magising ako sa malalim na pag-iisip.

"Ang sabi ko... ano pa nga ang pambansang hayop natin? 'Di ko alam eh... 'wag mong sabihin, bigyan mo lang ako ng clue."

"Nagsisimula sa letrang K." walang kagana-gana kong sagot.

"Huh... kuto?"

"Hindi... sira-ulo ka?! Kailan pa naging pambansang hayop ang kuto? Nagtatapos sa letrang W."

"Ay, alam ko na... kutow?"

"Ewan ko sa'yo! Sabi ng hindi. Basta may sungay!"

"Hmmnn... demonyong kutow?"

"Puro ka kalokohan!" at napangiti ako saglit sa biro niya.

"Oy, smile na siya..."

"Heh! Sira-ulo ka talaga! Alam mo ba yun?!"

Napatawa na lang siya sa sagot ko.

Pumara kami ng taxi dahil ayaw niyang mag-jeep. Siya naman ang magbabayad kaya pumayag na lang ako. Ang hindi ko lang sinang-ayunan ay pabalik pala kami ng eskwelahan. Pero napaisip ako at pumayag na lang din sa kalaunan. Para naman pumasok na siya uli sa loob ng school. Pero ng makaabot kami ay hindi naman pala siya papasok.

"Hoy bakit hindi ka papasok?" sigaw ko sa kanya.

"Wala akong sinabing papasok ako. Ang sabi ko lang sa school tayo bababa. Samahan mo na lang ako at ilagay natin 'tong mga dala nating groceries sa kotse ko."

Nang mailagay ko naman sa loob ang mga dalang groceries ay nagulat na lang ako ng hindi na mabuksan ang pinto ng kotse. Mabilis na pumasok si Nathan at umupo sa driver's seat.

"Hoy! Bakit hindi ko mabuksan 'to?!"

"Saan ba tayo pupunta?" sagot naman niya.

"Buksan mo nga 'tong pinto. Uuwi na ako sa amin. Wala na akong pasok noh."

"Sige, ihahatid na lang kita. Total tinatamad na akong pumasok. Tara sa inyo!"

"HUH!?"



WALA na akong nagawa at inihatid na 'ko ni Nathan. Aangal pa sana ako pero ayaw niyang papigil. Gusto niya rin kasing malaman kung saan ako nakatira. Nang makalabas na kami ng Maynila ay mas bumilis na ang takbo niya dahil hindi na traffic.

"Tol, ang layo pala ng binabyahe mo araw-araw. Probinsiya na 'tong binabaybay natin oh. Mag boarding house ka na lang kaya. Hindi ka ba napapagod araw-araw?"

"Okay lang... sanay na naman ako. Ayaw kasi ni Papa na mag-board ako. Wala kasing mag-aasikaso sa bahay at magluluto."

"Ang babaw naman ng rason mong yan. Eh 'di ba matipid ka? May condo unit ako ako na mas malapit sa school natin kumpara sa lugar niyo na sobrang layo. Dun ka na lang, mas mabuti kung nandoon ka. Para naman may nagbabantay dun.'Wag kang mag-alala... 'di kita sisingilin. Hindi kasi ako umuuwi sa condo ko eh."

"Salamat na lang tol, hindi talaga papayag si Papa eh... liko ka d'yan." ani ko.

Papasok na kami sa looban. Hanggang sa marating na namin ang tinitirahan kong apartment.

"Dito ka pala nakatira? Ang layo ah."

"Talagang malayo. Sige salamat tol sa paghatid hah?" at lumabas na ako ng sasakyan.

Nang bigla namang lumabas din si Nathan.

"Hindi mo man lang ba ako papapasukin sa loob? Wala ka talagang hospitality sa'kin tol."

"Oo na, pasok ka na! Nakakahiya naman kasi eh. Maliit lang 'tong apartment namin. Baka hindi ka komportable."

"Tsss... tumahimik ka nga. Hindi naman ako maarte eh."

Kaya pinapasok ko na lang din siya. Hindi ko inaasahan ng dumeritso siya sa kusina at dala-dala niya na pala ang mga groceries na pinamili namin.

"Hoy, bakit mo dinala sa loob yan?"

"Tange ka ba? Para sa'yo to! Ang payat-payat mo na kaya. Kumain ka nga ng mabuti! Oh ayan, madami 'to. May mga gulay pa kong pinamili. Ikaw na bahala sa mga yan."

"Tol, sobra-sobra naman ito eh!"

"'Wag ka ng umangal! Sige, uwi na rin ako. Kainin mo lahat yan huh? 'Tsaka bumili rin ako ng mga chocolates. 'Di ba mahilig ka d'yan? Kaya bumili na rin ako. Mabilis pa namang nakakataba ang mga chocolates. Para tumaba ka na... ang payatot mo!"

"Tol, nakakahiya masyadong marami ang groceries na 'to oh."

"Kung hindi mo 'to tatanggapin magtatampo na talaga ako sa'yo tol. Kaya tanggapin mo na nga lang."

Pumayag na lang din ako sa huli.



GABI na at kakatapos ko lamang magluto. Narinig ko ang pagdating ng motor ng aking ama kaya minabuti ko na ihanda na kaagad ang hapag para makakain na kami. Pagbukas ng pinto ay siyang ikinatakot ko. Kitang-kita ko ang galit sa kanyang mukha habang papalapit sa akin.

"Jessie! Putang ina ka! Alam mo bang tinawagan ako ng eskwelahan mo?! Gago ka, hindi ka na pala pumapasok ng maayos. Palagi ka raw wala sa school. Tuloy, naputol na ang scholarship mo! Masyadong mabababa na ang mga grado mo ngayon!" at sa isang iglap ay natumba na lamang ako ng ako ay kanyang sampalin.

"Hindi ka na mag-aaral sa susunod na sem! Magtratrabaho ka na! Napaka walang kwenta mo talaga! Bobo! Ang bobo mo!"

Naiyak na lamang ako at iniwan niya akong luhaan sa sahig. Saka umakyat sa kanyang silid.

Matapos kumain ay umakyat kaagad si papa sa kanyang silid. Habang ako naman ay nagsindi sa likod-bahay. Sinunog ko lahat ang mga damit ni Kuya Bernard na itinago ko simula ng mawala siya.

Pati lahat ng mga bagay na makakapagbigay ng alaala mula sa kanya. Inihagis ko rin. Pati ang cell phone na ibinigay niya sa akin ay binato ko rin sa apoy. Hindi ko kailangan ng mga materyal na bagay.

Gusto ko na siyang burahin sa aking puso't isipan.

Hindi na ako iiyak... hindi na ako magiging luhaan. Kakalimutan ko na siya... ang lahat-lahat sa kanya. Haharapin ko ang bagong kabanata ng aking buhay na hindi siya kasama.

Sa tinagal-tagal ko siyang hinanap yun lang ang sasabihin niya sa akin? Ang kapal ng mukha niya! Kaya pala hindi na siya bumalik dahil may iba na pala. Ang tanga ko para hanapin pa siya. Nag-aksaya lamang ako ng panahon at lakas.

Dahil sa galit ay tumulo na ang mga luha sa aking mga mata.

Ito na ang huling pagkakataon na iiyakan ko siya... kakalimutan ko na siya.

Ngayon magsisimula na ang bagong kabanata sa aking buhay. Magbabago na ang lahat. Mag-iiba na ang daloy ng kwento ng buhay ko.

"Kakalimutan na kita... magiging isa ka lang parte ng mapait kong kahapon. Tama na, ayoko na. Pagod na ako... nakayanan kong nabuhay noong hindi pa kita kilala. Ngayon, kakayanin ko pa rin kahit wala ka na!"






Itutuloy...






Feel free to Follow me and Comment! 


2 comments:

  1. Aww, so is this really the end for them? Well, I can't blame. I won't ever tolerate cheating. Happiness for you, Jess! Fighting! 🥰

    ReplyDelete
  2. 2nd lead ka lang naman jaya go. Bahala ka na aa bubay mo Bernard

    ReplyDelete