Tuesday, June 29, 2021

BSL - KABANATA 37

 


KABANATA 37 Taliwas sa Nakasanayan


Papa Calling...

Halos maestatwa ako ng makita ko kung sino ang rumehistro sa aking cell phone. Si papa ito! Tinatawagan niya ako!

Isang linggo na rin ang lumipas simula ng ako ay naglayas sa amin at nakitira sa condo unit ng kaibigan kong si Nathan. Hindi ko aakalain na tatawag si papa sa akin. Siguro ay gusto niya lang akong pagalitan at sigawan sa kabilang linya dahil sa paglalayas ko. O baka naman ay magpapasalamat siya at sa wakas ay wala na ako sa kanyang buhay.

Nanginginig akong hawak-hawak pa ito at hindi ko alam kung sasagutin ko ba ang cell phone ko. Nagdadalawang-isip ako kung dapat ko pa bang kausapin si papa. Natatakot ako sa maaari niyang sabihin sa kabilang linya.

Inilagay ko ang aking cell phone sa lamesa at hinayaan ko na lamang itong tumunog nang paulit-ulit.

Napagdesisyunan ko na hindi siya kausapin. Pagagalitan niya lamang ako at sisigawan. Ayoko ng marinig na masigawan at alipustahin lang ni papa. Natatakot ako na kapag sinagot ko ang kanyang tawag ay baka masagot ko na siya at mainsulto. Natatakot rin ako sa kahihinatnan ng aming usapan.

Napabuntong-hininga na lang ako.

Ilang segundo rin ang lumipas ng tumahimik na ang aking cell phone. Matapos nito ay mabilis ko itong pinatay at tinanggal ang sim card sa loob. Mas mabuti na ang ganito at hindi na kami magkakausap. Wala na kaming komunikasyon sa isa't isa. Alam ko naman na ito ang kanyang kagustuhan. Kaya mas mabuti kung ganito na lamang.

Pakiramdam ko ay masaya na siya ngayon dahil wala na ako sa poder niya. Wala na ang tinik at salot sa kanyang buhay. Wala na siyang bubuhayin at palalamunin. Siguro ay magaan na ang pakiramdam niya ngayon dahil wala na ang pinagmumulan ng kanyang galit.

Subalit sa likod ng pag-iwas ko at pagputol sa aming komunikasyon ay may nararamdaman akong panghihinayang at lungkot. Alam ko na mahalaga pa rin para sa akin si papa kahit hindi ako mahalaga sa kanya.

Pero kahit ganun pa man ay pinapanalangin ko na lang na sana ay palagi siyang mag-iingat at sana ay sumaya na siya sa araw-araw na malaya na sa anumang responsibilidad sa akin.

Sana ay nasa mabuti siyang kalagayan at sana mawala na ang poot at galit sa puso niya. Kahit anong mangyari ay siya pa rin naman ang aking ama. Ang nais ko lamang ay ang kanyang kaligayahan at kapatawaran. Sana ay mapatawad na ako ni papa. Sana lang...

Nilihis ko na lang aking atensyon sa tv at pinilit na libangin ang aking sarili.

Hindi ko alam at may nararamdaman akong kaba na hindi ko maintindihan at maipaliwanag. Siguro dahil ito sa pagtawag niya na hindi ko naman sinagot.

Kahit anong gawin ko ay hindi talaga mawala ang kaba sa aking dibdib kaya minabuti ko na lang na maglaro sa bago kong cell phone na ibinigay ni Nathan sa akin.

Mabuti na lang at ng lumipas ang mga sandali ay nawaglit sa aking isipan ang pinagmumulan ng aking kaba na hindi ko maintindihan. Nakatulong ang aking paglalaro dahil naibsan ang pangamba ko sa bagay na hindi ko maipaliwanag.

Nang lumipas pa ang ilang sandali ay nahiga na lamang ako sa sofa at hinintay ang pagdating ng aking kaibigan na makauwi na. Nakatingala ako sa kisame at sobrang lalim ng iniisip ko.

"Sana hindi ako nagkamali sa aking paglayas sa amin. Sana tama ang aking pasya na umalis at iwanan ang aking ama." ani ko.

Sa katagalan ay nilamon ako ng antok.

Paggising ko ay nakita ko kaagad ang aking kaibigan na hinahanda ang hapag sa may kusina. Nakauwi na pala si Nathan sa condo.

"Rise and shine, gising ka na! Kakain na tayo tol!" aniya.

"Ako na d'yan. Upo ka na lang tol." pagpigil ko sa kanya ng ako ay makabangon na.

"Ako na, kita mong nakasandok na ako ng kanin oh. Upo ka na nga." utos niya.

Tumango-tango na lang ako. Hindi kasi ako sanay na pinagsisilbihan. Nakikitira na nga lang ako rito ako pa yung parang prenteng-prente lang. Siguro naman nararapat lang na pagsilbihan ko ang aking kaibigan. Pero hinayaan ko na lang din. Ayoko namang maisip niya na iba pa siya para sa akin.

"Tol, may binili akong pagkain... nag-take out ako. Tikman mo... masarap yan." si Nathan.

Nagulat na lang ako ng ilabas niya ang pagkain mula sa isang kahon at inilapag sa lamesa ang mga pagkaing pinamili niya. Halatang hindi sa fast food chain ito kundi sa mga mamahaling restaurant.

"Tol, parang ang mamahal naman yata nitong pinamili mo oh. May sushi ka pang binili at may sashimi pa! Magkano 'to lahat? Ang dami ko na tuloy babayaran sa'yo." nahihiya kong sabi sa kanya.

"Tumahimik ka nga d'yan! Kumain ka na nga lang hangga't gusto mo. Binili ko talaga 'to para makakain ka naman ng mga ganito. Ang kuripot mo kasi. Puro na lang biskwit kinakain mo kahit nung pasukan pa. Tuloy biskwit na lang din kinakain ko kapag meryenda."

"Oo na! Ako na ang kuripot! Happy na? Masaya ka na?!"

Natawa na lang siya sa aking sinabi.

Enjoy na enjoy akong kumain ng mga masasarap na dala ni Nathan. Sa totoo lang ngayon lang ako nakatikim ng japanese food. Sa tv ko lang kasi ito nakikita. Hindi ko aakalain na ang sarap pala talaga. Sobrang sarap ng pagkain. Parang natutunaw lang siya sa bibig ko. Kaya naman lamon ako kung lamon. Nakalimutan ko ang salitang hiya.

"Oh, dahan-dahan... baka mabulunan ka. Oh ito pa oh." sabay lagay niya ng ulam sa aking plato.

Para naman akong bata na bibong-bibo sa aking reaksyon. Nakangiti lang si Nathan sa akin at natutuwa siyang nanonood dahil sa sobrang gana kong kumain. Ganado akong kumain dahil ngayon lang ako nakakain ng mga ganito.

Sabi nga ni Miss Ghana na contestant sa beauty pageant. Ang batang malakas kumain ay palaging may Ghana! :P

Kain lang ako nang kain. Napagod kasi ako dahil sa paglilinis ko sa buong condo unit ni Nathan. At least man lang sa ganito ay nakakatulong ako. Libre na nga lang ang pagtira ko rito eh. Pati pagkain libre na rin. Nakakahiya na sa kanya. Pero ngayon hindi muna ako mahihiya. hehe

"Ito tol oh, tikman mo rin 'to." hawak-hawak niya ang chopstick sabay lapit niya sa ulam sa aking bibig para ako ay subuan.

"Ako na... kukuha rin naman ako niyan mamaya."

"Tikman mo na... arte nito. Wala naman akong rabies!" simangot niya.

Wala na akong nagawa kundi kainin na rin ang pagkain na inilapit niya sa aking bibig.

"Sarap noh?" nakangiti niyang sabi.

Napatango-tango na lang ako at lumaki ang mga mata dahil sa sarap ng pagkain na isinubo niya. Ang swerte-swerte ng tropa ko. Kahit araw-araw ay pwede siyang kumain ng ganito kasarap.

Habang kumakain kami ay nagkakamay lang ako. Habang siya naman ay naka-chopstick. Hindi ko kasi alam kung paano gumamit nito. Kaya naman nagpresenta siya na tulungan ako para naman matuto ako kung paano gumamit nito.

Natatawa siya sa kamay at mga daliri ko. Para kasi akong tanga. Kaya siya na mismo ang nag-ayos kung paano ko ito hahawakan. Subalit sumuko din ako kaagad. Ang hirap kumain kasi ng naggaganito. Hindi kasi ako sanay kaya nagkamay na lang ulit ako. Natawa na lang siya at kinantiyawan ako. Hindi talaga ako marunong eh.

Nang matapos kaming kumain ay nagpresenta ako, na ako na lang ang maghuhugas. Alam ko kasing tamad siya pagdating sa mga gawaing bahay. Sumunod kaagad ako sa sala pagkatapos maghugas ng pinagkainan.

Umupo ako sa kanyang tabi habang nanonood ng basketball sa tv.

Panay ang hiyaw niya kapag nakakapuntos ang kanyang team. Habang ako naman ay nakikisabay na lang din. Sa totoo lang ay hindi naman ako nahilig sa larong basketball dahil hindi naman ako masyadong marunong nito pero nakakapuntos naman ako kapag naglalaro ako nito dati. Natutuwa naman ako kahit papano kapag nanonood nito sa tv at sa mga naglalaro sa mga kalye.

"Tol inom tayo, hindi ka pa nakakaranas uminom ng alak noh?" siya.

"Anong akala mo sa'kin santo? Syempre nakainom na ako noh." pagmamalaki ko.

"Talaga?! Saan ka naman nakainom? Eh puro bahay at eskwela ka lang naman."

Medyo natigilan ako ng sandali. Saan nga ba ako unang nakaranas uminom?

Naalala ko bigla ang lalaking minahal ko nang sobra-sobra noon. Siya ang kasama ko noong una akong natutong uminom. Hindi lang ang pag-inom ang una kong naranasan sa kanya. Pati mahalin siya ng lubos na walang halong kapalit ay natutuhan ko sa kanya. Ang sarap ngunit pinagbabawal ay naranasan ko sa kanyang piling.

Siya ang lalaking nagturo sa aking magmahal at mahalin ang aking sarili. Kaso ako lang pala ang nagmahal sa kanya. Ginamit niya lang ako. Akala ko talaga na tunay ang namamagitan sa aming dalawa. Isa lamang pala itong pantasya.

"Hoy! Natulala ka d'yan?" untag niya.

Kaagad akong nagising sa malalim na pag-iisip.

"Wala... may naalala lang ako."

"Ano yun tol?" pangungulit niya.

"Wala nga! Kalalaki mong tao napakatsismoso mo. 'Wag ka nga!" pang-aaway ko sa kanya.

"Ito naman, parang nagtatanong lang eh."

"Tsismoso!" at natawa siya sa aking sinabi.

Nginitian ko na lang siya.

Kinabukasan ay maaga kaming nagising ni Nathan. Nag-agahan kaagad kami pagkatapos ay nagpahinga. Nang mag-aalas otso na ay sinamahan ko siyang mag-jogging saglit at pagkatapos ay dinala niya ako sa isang gym kung saan palagi siyang nagbubuhat ng mga dumb bells at lifts at nagpapalaki ng katawan.

Ako naman ay pinagkasya lamang ang aking sarili sa pagtri-treadmillHindi naman kasi kaya ng katawan ko ang mga binubuhat niya. Baka mautot lang ako. Nakakahiya! haha

Nang matapos ako ay naupo muna ako sandali. Medyo hiningal din kasi ako ng kaunti. Halos ilang minuto rin kasi akong tumakbo ng mabagal.

Nakita ko na nakahiga si Nathan. Medyo malayo siya sa akin dahil na rin sa kinalalagyan ng equipment na gamit niya. Habang binubuhat niya ang isang barbel ay kapansin-pansin ang malaking bagay na maipagmamalaki niya.

Nakasuot kasi siya ng sweat pants kaya talagang hindi naitago nito ang umbok sa kanyang harapan. Umumbok ang dapat umumbok at talagang halatang-halata ito.

Medyo natulala ako sandali sa nakita. Umiwas ako ng tingin kaagad.

Nakasando pa siya kaya kitang-kita kung gaano kaganda ang kanyang katawan.

Napansin ko ang dalawang lalaki na malapit sa kanya at nag-eehersisyo rin. Subalit kahit abala sila sa kanilang ginagawa ay nakatuon ang kanilang mga mata sa harapan ni Nathan. Alam kong pinagpapantasyahan nila siya. Halatang natatakam sila sa machong kaibigan ko.

Ang lalaki ng kanilang katawan at batak. Kaso lalaki rin pala ang hanap nila. Mga pogi pa naman sana... kaso pogi rin ang tipo. Wala naman talaga akong pakialam kung mga bakla sila kahit malalaki ang katawan nila. Wala sa pisikal na katawan nakabase ang seksuwalidad ng tao. Wala sa laki ng masel at tigas nito.

Hindi ako nangdidiskrimina.

Kaso, masyadong mahalay ang kanilang mga tingin na ipinupukol sa kaibigan ko. Basta kaibigan ko na ang tinatalo, hindi ako basta lang tutunganga.

Halos maglaway na nga ang isa sa kakatitig kay Nathan. Kaya mabilis ko siyang tinawag dahil pinagpipiyestahan na siya ng mga paminta.

Kaya pala nabahing ako bigla.

"Tol! Hali ka muna rito patulong naman oh."

Mabilis na tumayo si Nathan at nagpunas ng pawis. Kitang-kita ko ang pagkadismaya nila at panghihinayang. Syempre, kailangan kong protektahan ang kaibigan ko sa mga pamintang durog na mga 'to.

Eh di disappointed kayo ngayon? Mga vaklang two!

"Oh, ano bang kailangan mo?"

"Wala naman, baka kasi napapagod ka na. May tubig akong dala oh. Inom ka muna." sabay abot ko.

"Ang bait mo yata ngayon? Parang concern na concern ka sa'kin? I smell something's fishy sa'yo tol... may kasalanan ka sa'kin noh?" pagdududa niya.

"'Luh, sira-ulo 'to. Syempre, baka ma-dehydrate ka d'yan eh. Kanina ka pa kaya nagbubuhat." palusot ko.

Tiningnan niya ako na parang naghihinala na para bang may kasalanan ako sa kanya. Ang hindi niya alam, ginawa ko lang ito dahil na rin ayaw ko siyang pagpiyestahan ng dalawang paminta. Ang lagkit-lagkit kasi ng mga ipinupukol nilang pagtitig sa aking kabigan. Kulang na lang hubaran nila siya at lantakan.

"Shower na nga lang tayo para makauwi na tayo. Tara!" sabi niya.

Naglakad si Nathan patungo sa direksyon ng shower area at sa isang iglap ay mabilis na tumigil sa ginagawa nila ang dalawang paminta at sinundan ang aking kaibigan. Alam ko na gusto nilang silipan ang kaibigan ko. Pero hindi ako makakapayag.

"Tol sandali! Sa bahay na lang tayo mag-shower. Uwi na tayo!" sabay hila ko sa kanyang kamay.

"Huh? Maligo na lang muna tayo. May dala naman tayong mga damit eh."

Mabilis akong nag-isip ng sasabihin para umuwi kaaagad kami.

"T-tol, kailangan na nating umuwi! Pakiramdam ko kasi nakalimutan kong patayin ang tubig sa shower! Baka bumabaha na dun ngayon!"

"Hah?! Dali! Umuwi na lang tayo!"

Sa pangalawang pagkakataon ay nakita ko ang pagkadismaya ng mga mukha ng dalawang lalaki. Buti nga sa kanila. Akala niyo hah!

Hindi naman sobrang layo ang gym sa condo kaya tinakbo lamang namin ito hanggang makauwi na kami.

"Akala ko ba nakalimutan mong patayin ang shower? Hindi naman pala eh." usal niya.

"Ay, akala ko kasi nakalimutan ko. Sige, d'yan ka na lang maligo tol. Pahinga ka muna sandali bago ka maligo. 'Ge!" at mabilis na akong lumabas sa banyo at isinirado ito.

Naupo muna ako sa silya habang hinihintay siyang matapos na maligo. Nakahinga ako ng maluwag. Muntik pa siyang mabosohan ng mga bastos na yun. Hindi ako makapapayag sa gagawin nila sa tropa ko.

"Oh, ikaw na... maligo ka na at amoy pawis ka." sabi niya ng makalabas ng banyo pagkalipas ng ilang minuto na nakatapis lamang ng tuwalya.

Natigilan ako saglit ng makita ang kanyang kabuuan. Ang ganda talaga ng kanyang katawan. Batak na batak at talagang nakakalaglag panty talaga. Dumadaloy pa ang mga butil ng tubig sa kanyang tiyan na hulmang-hulma pa ang six pack abs.

"Natigilan ka d'yan? Naiinggit ka siguro sa katawan ko noh? Magbuhat ka kasi palagi para lumaki yang katawan mo. Ang payatot mo kasi tol eh. Baka humangin ng malakas lumipad ka na." kantiyaw na.

"Heh! Tumabi ka na nga d'yan at maliligo na rin ako!" sabay tabig ko sa kanya.

"Grabe naman 'to! Ang harsh mo talaga tol!" ani niya.

"Ang yabang mo!" sabay sarado ko sa pinto.

Narinig ko na lang ang pagbuhakhak niya sa labas.

Nakapasok na ako sa loob at naligo na rin at pagkatapos ay nagbihis sa silid.

Nang gumabi ay nanood ako ng balita sa telebisyon. Nakinood na rin si Nathan kahit na ayaw naman niya ng news. Ako kasi itong mapilit na manood kami ng balita para naman alam namin ang mga nangyayari sa ngayon. Hindi naman siya mahilig manood ng balita kaya naglaro na lamang siya sa cell phone niya.

Medyo naagaw ang pansin ko sa isang balitang disgrasya, na ang pagkaladkad ng isang suv sa mga taong kumakain lamang sa mga stall sa gilid ng kalsada noong nakaraang gabi. Marami kasing namatay at kritikal ang kondisyon. Ang iba ay nag-aagaw buhay pa sa ospital.

"Hala, kawawa naman yung mga nasagasaan. Grabe naman 'to." ang nasabi ko na lang.

"Baka lasing siguro ang nagmamaneho." sagot niya.

"Hindi, bigla daw nawala ang preno ng driver eh. Parang may gusto daw pumatay sa driver kaya pinutol yung wire sa brakes niya para madisgrasya siya. Pati ibang tao nadamay dahil sa pagtatangka sa kanyang buhay. Kawawa naman sila."

Nakaramdam ako ng awa at parang may naramdaman akong ibayong pag-aalala. Hindi ko alam kung bakit ganito na lang ang pag-aalala ko sa mga nadisgrasya.

"Tol, alis muna ako sandali huh? Lalabas muna ako. Balik din naman ako kaagad. May kikitain lang ako dun sa convenience, nandun ang mga tropa ko sa basketball team natin sa university... baka naman gusto mong sumama? Sama ka na lang sa'kin."

"Dito na lang ako, mag-ingat ka sa pagtawid mo sa kalsada huh? Tingin sa left and right bago dumaan."

"Opo sir!"

Natawa na lang ako sa kanyang sinabi.

Nang makaalis na si Nathan ay patuloy lamang akong nanood ng balita. Nang naghanap ako ng ibang news ay yun din naman ang kasalukuyang ibinabalita sa katapat nitong istasyon. Kaso mas detalyado ang balita ng channel na ito.

Tumaas ang balahibo ko ng makita ang amateur video ng isang netizen na nakakuha sa disgrasya sa pinangyarihan. Hindi na ipinakita sa video sa tv ang naturang pagbangga ng sasakyan dahil naka-cut na ito dahil masyado kasi itong brutal. Kaya naghanap ako sa buong video sa internet.

Dito ko na nakita ang buong pangyayari na nagpatayo ng balahibo ko sa buong katawan.

Kitang-kita ko kung paano inararo ng kotse ang mga taong walang kalaban-laban. Mabilis na bumulagta ang mga nasagasaan. Pero may isang nasagasaan na umagaw sa aking atensyon.

Ito yung pinakaunang inararo ng sasakyan na nakaupo sa kanyang motor na nakaparada sa gilid ng kalsada. Kahawig niya kasi ang helmet ng aking ama at kahit postura ng lalaking ito ay kahawig ni papa. Pati na rin ang motor. Nakaramdam ako ng pangingilabot dahil dito.

Kitang-kita ko kung paano ito tumilapon ng mabangga ng sasakyan. Nagmistula itong papel ng nabalibag ito ng mabangga ng ubod ng lakas. Napasinghap pa ako ng makita ang pagtilapon nito.

Medyo mahaba-haba ang video at tinapos ko talaga ito. 'Di ko namamalayang napaluha na pala ako dahil sa mga nasilayan. Paulit-ulit ko itong pinanood, parang may hinahanap ako na hindi ko mapaliwanag. Nag-aalala ako na hindi ko mahinuha. Labis akong nag-aalala at natataranta sa aking nakikita.

Hanggang sa natigilan na lang ako ng makita ko sa isang anggulo ng video ang numero ng plate number ng motor ng unang inararo ng kotse. Hindi man ito direktang nabidyuhan ay nahagip ito ng aking mga mata. Alam ko na hindi ako namamalikmata. Halos lubayan ako ng aking kaluluwa sa sobrang pagkabigla at takot.

"HINDI!!! PAPAAA!!!!"



HALOS maglulupasay akong tumakbo sa ospital matapos kong makumpirma kung saang ospital dinala ang mga nabangga. Sa sobrang pagmamadali ko ay nakalimutan kong tawagan si Nathan. Ura-urada akong nagmamadaling pumunta ng ospital. Tarantang-taranta at hindi alam ang gagawin. Humahangos na humahagulgol dahil sa ibayong pagkabahala.

"Nurse! Nurse, may pasyente po ba kayong nagngangalang William? Matangkad po siya at mestesuhin po. 33 years old na po siya. Papa ko po siya. Isa po siya sa mga nasagasaan ng sasakyan na nawalan ng preno noong nakaraang gabi. Asan po siya? Okay lang po ba siya? Ang pangalan po niya ay William—" taranta kong tanong sa nurse station.

Hindi ko na natapos pa ang aking sasabihin ng nagsalita na kaagad siya.

"Sandali lang po sir huh? Hahanapin ko po muna ang records niya." mahinahong sagot naman ng babaeng nurse sa akin.

"S-sige po."

Halos hindi ako makahinga sa tindi ng aking paghihikbi at pag-iiyak. Hindi ko makalma ang aking sarili.

"Uhm... sir, a-ano po kasi..."

"Ano?! ANO?!" bulyaw ko.

"Nasa morgue na po ang hinahanap niyo." malungkot nitong sagot.

Pinagsakluban ako ng langit at lupa ng marinig ko ang sagot ng nurse sa akin. Biglang tumigil ang mundo ko sa narinig.

"HINDI! HINDI TOTOO YAN! NAGKAKAMALI KA! MALING-MALI KA! BUHAY ANG PAPA KO! BUHAY SIYA! HINDI PATAY ANG PAPA KO! HINDIII!!!" sigaw ko na dumagundong sa loob ng ospital.

"Bawiin mo ang sinabi mo! Bawiin mooo!!!"

"Sir, pasensya na po." at napayuko na lamang ang babaeng nurse.

Halos duruhin ko na ang babaeng nurse subalit kaagad akong pinigilan ng dalawang lalaking nurse. Nagwawala ako at nagsisigaw. Nawalan ako ng hiya at wala na akong pakialam pa sa sasabihin ng iba.

Hindi pa patay ang papa ko. Hindi pa siya patay. Hindi ito totoo!

"Bitawan niyo ko! Bawiin mo ang sinabi mo kundi sasaktan kita! Bawiin mooo! Bawiin mo ang sinabi mooo!!! Buhay ang Papa ko! Nagkakamali ka miss!!!"

"Tama na po sir! Tama na po." pakiusap ng nurse na pinipigilan ako.

Hanggang sa nawalan ako ng lakas at napaluhod na lamang sa sahig. Palahaw at panaghoy ang maririnig mula sa aking kinaroroonan. Hindi ko napigilang humagulgol sa sakit ng aking dinaranas.

"Para niyo ng awa. Sabihin niyo na hindi pa patay ang Papa kooo! Hindi pa siya patay!"

Halos maglupasay ako sa sahig dahil hindi ako naniniwala na wala na si papa. Hindi totoong wala na siya. Hindi ito maaari.

"Samahan niyo siya sa morgue para makumpirma niya ang mga taong nandun." utos ng isang matandang nurse na pinakalma ako.

Lumapit siya sa akin at niyakap ako.

"Hindi po patay ang Papa ko. Hindi po siya patay 'di ba? Hindi po... hindi po 'di ba?" humahangos kong sabi.

Tumango-tango lang ang matandang babaeng nurse at maluhaluha akong tiningnan.

"Hayaan mong dalhin ka nila sa morgue. Para malaman mo kung nandoon ba talaga o wala ang Papa mo hijo." at hinagod niya ang aking likod.

Humagulgol lang ako at dahan-dahan niya akong tinulungang makatayo.

"Dalhin niyo ako sa morgue... alam ko na wala ang Papa ko dun. Buhay si Papa! Buhay ang Papa ko!!!"

Tumango-tango lang ang matandang babaeng nurse at pinakinggan ang aking saloobin.

Naglakad kami patungong morgue ng ospital hanggang sa makaabot na kami rito. Dinala ako ng dalawang lalaking nurse sa loob at itinuro nila ang bangkay na sinasabi nilang katawan ng aking ama. Nakatalukbong ito ng kumot.

Kahit hindi pa ako nakakalapit ay kumalabog na ang dibdib ko sa labis na takot at kaba. Lalo pa at kasing hugis ng katawan ng aking ama ang bangkay na nasa ilalim ng kumot.

Halatang matangkad din ito. Parehas na parehas ang katangkaran sa aking ama. Habang papalapit ako rito ay bumibigat ang aking mga yabag. Natatakot ako sa aking makikita.

Nanalangin na lang ako sa poong maykapal na sana hindi ito si papa. Hindi ito ang aking ama.

Hindi ito si Papa! Buhay ang Papa ko! Buhay ang Papa ko! Sigaw ko sa aking isipan.

Nang makalapit na ako sa bangkay ay nagdadalawang-isip ako kung bubuksan ko ba ang kumot. Natatakot ako sa aking masasaksihan. Subalit tinatagan ko ang aking sarili kahit na walang tigil na dumadaloy ang mga luha sa aking mga mata.

At sa isang iglap nga ay hinawi ko ang kumot na bumabalot sa mukha ng nakahigang malamig na bangkay. Natigilan ako sa aking nakita.

"H-hindi, hindi ito ang Papa ko. Buhay ang Papa ko, buhay siya! Dalhin niyo po ako sa Papa ko... hindi ko kilala ang taong ito." nanginginig kong sabi.

Lahat ng bigat sa aking damdamin ay nawala nang bigla-bigla. Buhay ang aking ama. Buhay siya!

Nagulat ang mga nurse sa aking sinabi.

"Ganun po ba... sige po. Bumalik na lang po tayo sa front desk."

Bago ako umalis ay nanalangin muna ako. Pinanalangin ko ang taong akala nila ay ang aking ama. Sana ay payapa na ang kaluluwa niya kung saan man siya naroroon.

Nang makabalik ay pinahanap ko ulit ang pangalan ng aking ama sa listahan ng mga pasyente.

"Ay, kaya naman pala... William rin po kasi ang pangalan noong lalaking namatay sir. Habang Willl lang ang nakalagay na pangalan ng ama niyo rito. Pasensya na po at may pagkakamali po sa part ng kasama ko at hindi po kayo nagkaintindihan kanina." sagot ng nurse na babae.

Hindi na ito ang babaeng nurse kanina dahil tapos na kasi ang kanyang shift. Umuwi na pala ang balahura. Buti na lang talaga dahil baka abugbog berna na talaga ang tarantada kung naabutan ko pa siya. Walang hiya, nagwala pa naman ako kanina at pinagtitinginan ako ng mga tao. Nakakainis ang babaeng yun. Hindi ako pinatapos sa aking sasabihin. Tuloy malaking hindi pagkakaintindihan ang nangyari.

Ang bruha, buti at nakauwi na. Baka siya ang ilagay dun sa morgue. Bweset siya! With all the hysterical eme effects pa naman ako kanina! Nakakahiya talaga! T_T

"Nasa room 95 po siya."

"Sige salamat po..."

"Walang anuman po. Akyat na lang po kayo sa second floor. Andun kasi po yun."

Tinanguan ko na lang ang nurse saka ay umalis na.

Mabilis kong pinuntahan ang silid ng aking ama. Halos takbuhin ko pa ang pasilyo sa kanyang kinaroroonan.

Nang makita ko na ang silid niya ay mabilis na kumalabog ang aking dibdib. Kinakabahan ako sa pwedeng mangyari. Baka pagalitan lang ako ni papa. Subalit talagang nag-aalala ako kung ano na ang kanyang lagay. Sana ay hindi siya malubha at sana ay nasa mabuti siyang kalagayan.

Pagbukas ko sa pintuan ay kaagad na bumungad ang imahe ng aking ama.

Sa wakas, nakita ko na siya!

Nakahiga siya sa kama at nakapikit ang mga mata. Kalunos- lunos ang kanyang kalagayan. Nakabenda ang kanyang ulo at may mga galos sa kanyang mga braso. Hindi ko napigilang maluha lalo pa at nakasemento na ang kanan niyang braso at ang kaliwa niyang binti na nakasampay sa isang telang nakakapit sa tubong metal. Halatang nahihirapan siya.

Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata. Natigilan siya at nagulat ng makita niya ako na nakatayo sa pintuan.

"J-Jessie!" bulalas niya.

"PAAA!!!" at sa isang iglap ay nagtatakbo akong lumapit sa kanyang tabi at siya ay niyakap.

Hindi ko napigilang tumakbo sa kanya at siya ay yakapin. Na-miss ko siya ng sobra kahit na nagdaramdam ako sa kanya. Na-realize ko na mahal na mahal ko pa rin ang aking ama dahil siya lang ang aking natitirang pamilya. Wala na akong pakialam kahit na pagalitan niya pa ako. Gusto ko siyang yakapin at yakapin. Ang mahalaga ay buhay at ligtas siya ngayon.

Ito ang labis kong ipinagpapasalamat.

"Sorry po Pa! Sorry kung iniwan kita... sorry kung naglayas ako at naging suwail sa inyo. Sorry po Pa!!! Patawarin niyo po ako. Sorry pooo..." humahagulgol ako sa kanyang dibdib habang mahigpit ko siyang niyakap.

"Sana po ay mapatawad niyo po ako sa pag-iwan ko sa inyo. Sorry po talaga Pa... mahal na mahal po kita Pa... sana mapatawad niyo pa po ako. Lalo na po at may kasalanan po ako sa inyo na sobrang laki. May ginawa ako sa inyo na—" natahimik ako ng bigla niyang inilagay ang kanyang daliring hintuturo sa aking labi.

"Tahan na... wala kang dapat ihingi ng tawad sa akin. Wala kang kasalanan. Kung may dapat mang humingi ng kapatawaran dahil sa sobrang laki ng kasalanan ay ako yun. Masyado kitang sinisi sa pagkawala ng iyong ina. Maling-mali ako... sobrang mali 'ko. Ang sama kong ama... wala akong kwenta. Ang sama-sama kong tao at nagawa ko yun lahat sa'yo. Sana ay mapatawad mo pa ako, sana ay bigyan mo pa ako ng pagkakataong makabawi para maitama ko ang lahat ng kamalian ko. Patawarin mo ako Jessie... patawarin mo si Papa... sana mapatawad mo pa ako... anak." maluhaluha niyang wika.

Natigilan ako sa kanyang sinabi at halos hindi ako makapaniwala sa sinabi ng aking ama. Lalo na ang salitang pinakaasam-asam ko na marinig mula sa kanya. Sa unang pagkakataon ay tinawag niya akong "anak".

Ang sarap pakinggan... sa unang beses sa tanang buhay ko ay ngayon ko lamang narinig ang salitang ito na nanggagaling sa kanya. Hindi ko maipaliwanag ang kasiyahan na namutawi sa aking puso. Hindi ko inaasahan ang tagpong ito.

"Paaa! Pinapatawad ko na po kayo Pa... sana mapatawad niyo rin po ako."

"Wala kang dapat na ihingi ng tawad sa akin anak." at niyakap niya ako gamit ang isa niyang braso.

Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito. Ito talaga ang hinahanap-hanap ko noon pa man. Ang kilalanin niya at ituring na anak at pamilya. Ang luha ng pangamba, pag-aalala at pighati ay napalitan ng luha ng pag-asa at saya. Hindi ko mapapagsidlan ang aking kaligayahan. Natupad na ang pangarap ko na magkaroon ng pamilya.

"I love you po Pa... mahal na mahal ko po kayo." humihikbi kong ani sa kanyang dibdib.

"Mahal din kita anak. Simula ngayon ay babawi ako sa'yo. Lahat ng nasayang na panahon at taon ay pupunan ni Papa. Bubuo tayo ng mga bagong alaala bilang isang pamilya. Pangako ko yan sa'yo anak. Pangako yan ni Papa sa'yo." at hinalikan niya ako sa aking noo.

Humagulgol na lang ako sa ibayong tuwa. Nakamit ko na ang aking pangarap.

Pagkaraan ng ilang minuto ng mahimasmasan na ako ay hindi mawala ang ngiti sa aking mga labi. Kahit si papa ay nakangiti rin sa akin.

"Gusto niyo po bang kumain Pa? Baka may gusto po kayong kainin? Bibili po ako sa labas."

"Busog pa ako 'nak. Ikaw, nakapaghapunan ka na ba?"

"Opo, busog pa po ako." sagot ko na lang.

Saglit na natahimik si papa saka nagsalita.

"Anak, umuwi ka na ng bahay natin... na mi-miss na kita. Sana bumalik ka na sa apartment."

"Opo, uuwi na po ako." sagot ko na nakangiti sa kanya.

Nagliwanag ang kanyang mukha dahil sa aking sinabi at ngumiti. Medyo maluhaluha pa si papa kaya naluha na rin ako. Hindi talaga mawaglit ang aking ngiti. Sa tuwing tinatawag niya akong "anak" ay napupunan ang pangungulila ko sa ilang taong malayo ang loob namin sa isa't isa.

"Baka pagod ka? Higa ka na lang sa tabi ko. 'Li ka, tabi ka sa'kin."

"Ay, okay lang po ako Pa... magpahinga lang po kayo ng maayos d'yan. 'Wag po kayong mag-alala sa akin. Wala po ba kayong nararamdamang masakit bukod sa binti niyo at braso?"

"Wala naman, na-test na nila ako. Wala naman daw mga hemorrhage atsaka okay naman daw lahat. Maliban na lang sa nabali kong buto sa binti at braso."

"Ganun po ba? Mabuti na lang po at hindi kayo napuruhan. Asan na po ba yung nakabangga sa inyo? Humanda siya sa ginawa niya. Hindi ko siya mapapatawad!" galit na galit kong sabi.

"Maghunos-dili ka anak. Disgrasya ang naganap. Walang may gusto sa lahat ng nangyari. May gusto kasing pumatay sa kanya kaya pinutol ang brakes niya sa kanyang sasakyan kaya nawalan siya ng preno. Hindi naman daw niya sinasadya ang nangyari."

"Nasan po ba siya? Gusto ko siyang kausapin at panagutin sa kanyang ginawa."

"Hindi pa siya nagpapakita anak. Na-trauma raw kasi dahil sa nangyari at nagka-nervous breakdown daw. May ipinadala naman ang pamilya niya na representative. Lahat ng bayarin dito sa ospital ay siya na ang magbabayad. Lahat ng damages ay babayaran naman."

"Pero kahit na Pa, dapat magpakita pa rin siya at humingi ng tawad. Respeto man lang sa inyo na penirwisyo niya at dun sa mga namatayan."

"Okay lang anak... ang mahalaga buhay ako ngayon. Hindi rin naman sinasadya eh. Mabuti na lang at sobrang yaman ng nakabangga sa'kin. Lahat ng bayarin sa ospital ay sinagot na niya. Pati motor bibilhan niya ako ng bago. Naintinidhan ko rin naman yung tao, namatay din kasi ang kapatid niya at isang kaibigang kasama ng mangyari yung aksidente. Kaya naman nabaliw siya."

"Ganun po ba?"

"Hindi naman pababayaan yung mga namatayan. Sagot na nila lahat pati burol at lamay. Kahit na edukasyon ng mga batang naulila ay sagot na rin nila. Hindi naman kasi sinasadya eh. Ang masalimuot lang ay may namatay, sana nabuhay kaming lahat. Pero hindi naman natin hawak ang buhay natin 'di ba? Kung panahon na natin ay wala tayong magagawa."

"Pero naawa lang po ako dun sa mga namatayan. Nakakaawa naman yung mga batang nawalan ng mga magulang. Atsaka syempre naawa rin ako sa inyo. Sana ako na lang yung nasagasaan." malungkot kong sabi.

"'Wag kang magsalita ng ganyan 'nak! Ano ka ba?! Hindi ko nagugustuhan niyang mga ganyang sinasabi mo."

"Sorry po Pa." sabi kong natatakot.

"'Wag kang mag-alala hindi naman ako galit. Ayoko lang na sabihin mo na sa'yo dapat nangyari ang ganun. Hindi ako makakapayag. Sa totoo lang ay dapat lang naman talaga na nangyari sa akin 'to. Kulang pa nga 'to sa lahat ng ginawa ko sa'yo. Nararapat lang na karmahin ako ng ganito."

"Papa naman... hindi nararapat na kabayaran ang ganito. Napatawad na po kita Pa."

Hinawakan ni papa ang aking kamay at marahan itong pinisil.

"Salamat anak... maraming salamat at pinagbigyan mo pa ako ng pagkakataong bumawi. Hayaan mo... babawi ako sa'yo."

"Walang anuman po Pa. Ang mahalaga ay magpagaling po kayo. 'Wag po muna kayong mag-isip ng kung anu-ano. Magpahinga lang po kayo para madali po kayong gumaling."

Ngumiti siya sa akin ng ubod ng tamis. Napangiti na rin ako dahil sa sayang aking nararamdaman.

Nang makatulog na si papa ay lumabas muna ako ng silid upang tawagan ang aking kaibigan na si Nathan.

"Hello tol, nakauwi ka na ba?" ani ko.

"Oo tol, asan ka ba naglakawatsa? Gabing-gabi na ah. Sige, ikaw rin. Baka gahasain ka d'yan ng mga adik sa kanto. Makinis, maputi ka pa naman." maloko nitong sagot.

"Gago! Hindi ako naglakwatsa, nasa ospital ako."

"HUH?! Tol, a-anong nangyari sa'yo? Tol, napano ka?! Tol!"

"Chill! Relax, walang nangyari sa akin... nandito ako ngayon sa ospital dahil nadisgrasya si Papa. Pero okay na siya ngayon tol. Nagpapagaling na siya ngayon."

"Ganun ba? Puntahan kita d'yan... asan ka ba?"

"'Wag na... gabi na. Bukas na lang ng umaga."

Nagpatuloy kami sa pag-uusap ni Nathan hanggang sa binaba ko na ang cell phone. Naupo muna ako sa mga upuan na nasa pasilyo lang. Hinayaan ko na lang si papang makapagpahinga ng maayos kaya minabuti ko na sa labas na lang maupo. Ayokong maistorbo pa siya.

Tahimik akong naupo. Sobrang tahimik ng pasilyo dahil gabi na. Walang mga ingay at katahimikan lang ang aking naririnig. Maliban na lang sa mga tunog ng sasakyan na maririnig mo dahil nasa main highway lang ang ospital.

"Tol, okay na ba ang Papa mo?"

Mabilis akong nagtaas ng mukha.

"Anong ginagawa mo rito? Sabi ko naman sa'yo na bukas ka na lang bumisita eh. Gabing-gabi na oh."

Nagulat ako ng biglang sumulpot na lang si Nathan sa aking harapan.

"Eh sa nag-aaalala ako sa'yo. Oh ito, may dala akong mga damit mo." sabay abot niya sa akin ng bag.

"Tingin ko kasi na dumiretso ka na kaagad dito, kaya alam ko na wala kang dalang mga damit. May toothbrush at toothpaste na rin d'yan. Kompleto na lahat yan."

"Salamat talaga tol... nag-abala ka pa. Talagang salamat... salamat tol."

"Maliit na bagay... tropa tayo eh. Atsaka pumunta talaga ako rito dahil magpapaalam muna ako tol. Kailangan ko kasing pumunta ng Amerika eh."

"Huh?! Kailan ka naman aalis tol?"

"Ngayong gabi na. Kaya nga pumunta talaga ako rito para ma-check kung okay ka lang. Biglaan kasi itong lakad ko tol. Tumawag kasi si Mommy kanina na kailangan ko ng pumunta ngayon ng U.S. Malubha na kasi si lolo tol eh. Kaya pinapadali ako nila mommy at daddy na pumunta na ngayong gabi."

"Ganun ba tol, biglaa naman yata. Ipagpi-pray ko na lang ang lolo mo. Sana gumaling siya."

"Sana nga tol. Teka lang, itong susi oh, para sa condo ko." sabay abot niya. "Ikaw na muna ang magbantay dun habang wala ako."

"Eh tol... ano kasi, pinapauwi na ako ni papa eh. Kapag nakalabas na siya sa ospital ay uuwi na kami sa apartment namin."

"Ah, kung ganun walang problema. Kung gusto mong pumunta sa condo. Pasok ka lang dun. Okay lang naman sa akin eh."

"Talaga ba? Nakakahiya naman tol."

"Yan ka na naman... tropa tayo eh! Kahit na magdala ka pa ng chicks dun ay okay lang. Basta linisin niyo yung kalat huh?!" biro niya.

"Sira ulo!" natawa na lang siya.

"Sige tol. Alis muna ako. Baka maiwan ako ng flight eh. Atsaka ito tanggapin mo rin 'to." sabay abot niya.

"Ano 'to tol... c-credit card?!" gulat kong tanong.

"Basta gamitin mo na lang yan kung may kailangan ka."

"Ay, ayoko! Kunin mo nga 'to! Ayoko! Kunin mo na 'to." isinauli ko ito sa kanya subalit hindi naman niya ito tinatanggap.

"Gamitin mo na nga lang yan! Ang tigas ng ulo eh. Baka may pangangailangan ang Papa mo. Gamitin mo kapag kailangan mo, okay? Wala nang pero-pero!"

"Pero tol!

"Sabi ng walang pero-pero eh... ingat ka huh?! Sige kailangan ko na talagang umalis. Video call na lang tayo."

Hindi na ako nakapalag pa.

"Teka, hatid na kita sa labas."

Nang makalabas na kami ay nagpaalam na si Nathan sa akin at mabilis na sumakay sa kanyang sasakyan.

"Ingat ka palagi! Have a safe trip tol! 'Wag magpapalipas sa pagkain huh?!" sigaw ko

Ngumiti lang siya at isinara na ang bintana ng sasakyan at saka umalis na.

Sinundan ko lang ng tingin ang kanyang sasakyan habang papalayo siya at hanggang maglaho na.

Bumalik ako sa loob ng silid ng aking ama at naabutan ko siyang mahimbing na natutulog. Panatag ang aking loob kapag nakikita ko siyang nagpapahinga.

"Good night po Pa." mahina kong ani. Humalik ako sa kanyang noo at pagkatapos ay tinumbok ang sofa.

Nahiga ako sa sofa at natulog na rin. Hanggang dinapuan na ako ng antok at tuluyan ng nakatulog.

Maaga akong nagising kinabukasan at binantayan siya. Pagkagising kaagad niya ay bumungad sa akin ang masaya niyang mukha. Nakangiti siya sa akin.

"Good morning 'nak... nakatulog ka ba d'yan ng maayos? Parang ang sikip d'yan sa sofa eh." bati niya sa akin.

"Good morning po Pa. Okay lang naman po. Nakatulog nga ako ng maayos eh." magalak ko namang sagot.

"Sandali lang anak. Magbabanyo sana ako, pwede bang tulungan mo akong tumayo?"

"Wala pong problema."

Maingat kong inalalayan si papa upang makatayo at dinala siya sa banyo. Hirap na hirap siyang naglakad dahil na rin napilay ang kanyang isang binti at isang braso. Kaya dahan-dahan ako sa pag-agapay sa kanya. Nang makapasok na kami sa loob ay maingat ko siyang iniupo sa bowl.

"Tawagin niyo lang po ako Pa kung may kailangan pa po kayo."

"Salamat anak." ngumiti lang ako sa kanya.

Lumabas muna ako at hinayaan siya sa loob. Nang matapos na siya ng ilang minuto ay tinulungan ko siyang makabalik sa kanyang kama at maingat ko siyang tinulungang makahiga ullit.

Pagkalipas ng ilang minuto ay dumating na ang kanyang almusal. Dala-dala ito ng isang babaeng nurse.

"Hi Will... kamusta ka na? Nakapag-cr ka na ba? Tulungan na kita." nakangti nitong sabi na kay landi pa.

"Salamat na lang. Tapos na ako, Tinulungan ako ng binata ko." nakangiting sabi ni papa at lumingon sa akin.

"Ay, nandito na pala ang pamilya mo. Hi!" bati nito sa akin na ngayon lang ako napansin.

Masyado kasi siyang okupado sa paglalandi kay papa. Kaya hindi man lang niya ako napansin. Tumango lang ako sa kanya.

"So, ito na ang breakfast mo... subuan na lang kita tulad kahapon para hindi ka na mahirapan." ani nito na parang itinuring pa si papa na parang paslit.

Sinadya pa niya talagang landian ang kanyang boses. Halatang makating higad din ang isang ito.

"Ako na ang magpapakain sa Papa ko. Nakakahiya naman sa'yo miss baka marami ka pang pasyente na dapat puntahan." sabat ko, sabay kuha ng tinidor at kutsara sa kanyang kamay.

"Ay ako na, wala namang kaso sa akin dahil hindi naman ako busy. Ako na lang ang magpapakain sa Papa mo. Gusto mo namang ako ang nagpapakain sa'yo Will 'di ba?" baling niya sa aking ama.

"Ang anak ko na lang ang magpapakain sa akin. Baka hanapin ka na naman at pagalitan ng doktor dahil sa madalas mong pagpunta rito. Okay na ako Jane, nandito naman ang anak ko. Hindi mo na ako kailangan puntahan dito palagi dahil nandito na ang anak ko."

Medyo nadismaya ang nurse sa sinabi ni papa sa kanya.

Buti nga sa'yo! 'Di hamak naman na sobrang gwapo ng Papa ko para sa'yo noh! Ang dami kaya niyang chicks na artistahin ang dating. Hindi ka niya papatulan noh! Bleeh!

Sabi ko sa aking isipan.

"Sige Will, pero feel free na tawagin ako anytime huh?"

"Sige-sige." ang naisagot na lang ni papa.

Hindi na nagpumilit ang nurse na mukhang isdang karpa. Umalis na ito kaagad at nagpaalam. Ang nakakabwesit lang ay nag-flying kiss pa ito kay papa ng umalis. Tinawanan lang siya ni papa. Natawa lang siya, habang ako naman ay nakaramdam ng inis. Ang landi-landi ng higad. Kala mo naman maganda.

Umalis ka na dito! Baka iprito pa kita! Sigaw ko sa aking isipan.

"Kala mo naman kagandahan. Umarte ng naaayon sa mukha noh!" bulong kong wika.

"May sinasabi ka anak?"

"Wala po. Ang sabi ko po kain na po kayo Pa."

Ngumiti lang siya sa akin at tumugon naman ako.

Pinaupo ko muna siya ng maayos sa kama para makakain siya ng mabuti. Dahan-dahan kong sinubuan ng pagkain si papa at natutuwa akong tingnan siya. Para kasi siyang bata.

"Pasensya ka na anak hah? Masakit kasi ang kamay ni papa kaya hindi ko magawang itaas ng maayos ang kamay ko. Parang nabugbog yata 'to eh. Tapos nabali pa itong isang braso ko."

"Wala ito Pa! Okay lang po. Kumain lang po kayo ng mabuti para gumaling po kayo kaagad." magiliw kong tugon.

"Teka lang anak... hindi ka pa nakakapag-agahan. Kumain ka na rin. Pwede mo namang kainin 'tong pagkain ko eh."

"Naku Pa, para sa inyo po ito... dapat kainin niyo po ito lahat. Mamaya na ako kakain kapag nakapagpahinga na po kayo."

"Hali ka nga anak... upo ka sa tabi ko." at tinapik-tapik niya ang kanyang kama.

Naupo naman ako sa kanyang tabi tulad ng kanyang gusto. Nagulat na lamang ako sa sumunod na nangyari.

Niyakap niya ako ng ubod ng higpit.

"Salamat anak at nandito ka ngayon. Ang saya-saya ko at makakabawi pa ako sa'yo. Hayaan mo. Kapag gumaling na ako ay mamamasyal tayo at magpapakasaya. Babawi si papa sa'yo huh? Babawi ako."

Hindi ko napigilang maluha dahil sa kanyang sinabi. Mahina akong napahikbi sa kanyang balikat. Napansin niya ito kaya bumitaw siya sa pagyakap sa akin.

"Bakit anak? Bakit ka umiiyak?"

"Wala po... sobrang saya ko lang po talaga. Hanggang ngayon po kasi ay hindi pa rin po kasi ako makapaniwala na totoo itong nangyayari. Ang saya ko lang po talaga Pa. Wala na po akong mahihiling pa." nanginginig kong aning humahagulgol.

Pinahid ni papa ang aking mga luha at ginawaran ako ng halik sa noo.

"Huwag kang mag-aalala anak. Totoo ito... at ngayon na magkasama na tayo ulit ay hindi na kita hahayaang maging malungkot. Babawi ako sa lahat-lahat ng pagkakamali ko. Hindi na kita pababayaan."

"I love you po Papa... salamat po. Ang saya ko po ngayon. Ito po ang pinakahihiling ko sa lahat."

"I love you too anak... kung nandito lang sana ngayon ang mama mo. Siguro sobrang saya niya ngayon. Pinangako ko sa mama mo noon na bubuhayin kita. Tutuparin ko ang pangako ko noon. Aalagaan kita anak katulad ng ginawa mong pag-aalaga sa akin. Ngayon, ako naman ang mag-aalaga sa'yo. Kapag gumaling na ako ay babawi ako at magsisikap na maibigay ang lahat ng gusto mo. Babawi si papa anak. Babawi ako sa'yo."

"Magpagaling lang po kayo ay sapat na po sa akin. Pero may hihilingin sana akong pabor sa inyo Pa. Sana hindi po kayo magalit." humihikbi ko pa ring sabi.

"Ano yun anak?"

"Sana po ay hindi na po kayo maninigarilyo at sana po bawas-bawasan niyo na po ang pag-inom Pa. Nag-aalala po kasi ako sa kalusugan ninyo."

Napangiti siya at niyakap niya akong muli.

"Walang problema anak. Magbabagong buhay na ako. Pero sana naman 'wag mo naman akong bawalan sa pang-chi-chicks ko... dadahan-dahanin ko na magbago d'yan." biro niya.

"Papa naman eh!"

At nagtawanan kami.






Itutuloy...






Feel free to Comment!


4 comments:

  1. Awww akala ko may tikiman portion pa si Nathan at Jessie sayang naman charot

    ReplyDelete
  2. Ay buti nmn author at buhay SI papa William,magtatampo Ako kung Patay sya e

    ReplyDelete
  3. Sana SI papa will at Jessie na lang magkatuluyan

    ReplyDelete
  4. I want Kuya Bernard and Jessie and Nathan and Jessie in different universe. Tama na din ba walang nangyari kay Nathan at Jessie para di na maulit yung kay kuya Bernard.

    ReplyDelete